Hindi ko alam kung napasalamatan na kita sa pagdadala mo sa akin sa loob ng 9buwan sa iyong sinapupunan. Salamat sa paglalagay mo ng isa mong paa sa hukay para lang maisilang ako. Hindi ko alam ang hirap na dinanas mo ng mga panahong nagpupumilit akong lumabas mula sa iyong sinapupunan upang makita ang mundong inihanda mo sa aking pagdating.
Hindi pa din siguro kita napapasalamatan sa mga panahong napupuyat ka para palitan ako ng lampin sa tuwing ako'y maiihi o madudumi sa kalaliman ng gabi o sa tuwing ako'y nagugutom - kailangan mong bumangon para ipagtimpla ako ng gatas. Napupuyat ka din sa kababantay sa akin sa tuwing ako'y magkakasakit.
Hindi mo ako hinayaang malamigan, sa tuwing ako'y giniginaw, yakap mo ang nagbibigay init. Hindi ka din nagsawang ipaghele ako sa gabi.
Hindi mo ako hinayaang malamigan, sa tuwing ako'y giniginaw, yakap mo ang nagbibigay init. Hindi ka din nagsawang ipaghele ako sa gabi.
Hindi matatawaran ang pagmamahal na binigay mo sa akin simula pagkasilang ko hanggang ngayon. Ginabayan mo ako simula sa aking paggapang hanggang sa mga unang hakbang. Hawak mo ang kamay ko habang isinusulat ko ang aking unang abakada. Hindi matawaran ang tuwa mo ng unang banggitin ko ang mga salitang "mama". Hindi ka nagsawang pakinggan ang mga kuwento ko; lagi mo akong sinusuportahan sa bawat pangarap ko. Lagi kang nakaalalay sa tuwing nabibigo ako. Lagi mo akong pinapaalalahanan na muling tumayo at lumaban; na wag akong sumuko.
Simula noon hanggan ngayon - nasa tabi kita. Hindi mo ako iniwan. Kasama kitang umabot sa bawat pangarap ko. -- Maraming maraming salamat!
Simula noon hanggan ngayon - nasa tabi kita. Hindi mo ako iniwan. Kasama kitang umabot sa bawat pangarap ko. -- Maraming maraming salamat!
Hindi mabilang ang pagkakataong sumakit ang ulo mo dahil sa kasutilan ko. Hindi mabilang ang mga sandaling nagaalala ka dahil sa paguwi ko ng disoras ng gabi at sa ilang ulit na hindi ko paguwi at pagalis ng walang paalam. Hindi mabilang ang sama ng loob na binigay ko sayo sa tuwing sumasagot ako ng pabalang at nagkakamali; sa mga pagkakataong hindi ko alam kung ano ang sinasabi ko dahil lang sa hindi ko nakuha ang gusto ko. Ilang beses din ba kitang tinakot dahil sa mga bagay na inaakala kong tama. Hindi ako naging mabuting anak. Hindi ako tulad ng iba na ehemplo sa kabaitan. Hindi ako santa. Madalas akong magkamali at madalas kong sinusunod ang gusto ko - walang pasintabi kung masaktan man kita pero hindi ka nagsawa. Hinayaan mo akong matuto sa mga sarili kong pagkakamali. Hinayaan mo akong gawin ang gusto ko ngunit sa tuwing bumabalik akong luhaan at nasasaktan - wala akong sumbat na naririnig bagkus nakahanda ang iyong kamay para muli akong yakapin. Hindi mo ako kailanman itinaboy at itinakwil. Lagi kang nakaabang sa aking paguwi.
Hindi ko alam kung paano kita mapapasalamatan sa lahat ng bagay na ginawa mo para sa akin. Hindi ko alam kung paano masusuklian ang pagmamahal na buong puso at buhay mong ibinigay. Sana sapat na ang sabihin ko ang mga salitang; Patawarin mo ako, salamat at mahal kita. Hindi ko alam kung paano ako makakabawi sa lahat ng kabaitan, pagmamahal at pagaaruga mo sa akin. Sana sapat na sabihin kong buong buhay kong tatanawin ang mga bagay na ginawa mo sa akin. Na lahat ng ginawa mo sa akin ay pipilitin kong mahigitan kapag nagkaanak na ako. Hindi ko alam kung paano at kung ano ang tamang paghingi ng tawad o ang tamang pagpapasalamat. Alam kong hindi sapat ang mga materyal na bagay na pinipilit kong maibigay sayo. Alam kong hindi sapat ang pagpapaalam ko sa tuwing ako'y umaalis; ang pagtatanong ko kung kumain ka na ba sa tuwing ipinaghahain mo ako; ang pangungumusta ko sa araw mo. Alam kong kailanman hindi ko matatapatan ang bagay na ibinigay at patuloy mong ibinibigay.
Isinulat ko ito dahil ayokong mahuli ang lahat bago ko masabing Mahal na Mahal kita, ayokong mahuli ang lahat bago kita mapasalamatan sa lahat lahat at ayokong mahuli ang lahat bago ako makahingi sayo ng tawad.
Mama, patawarin mo ako sa lahat ng maling nagawa ko. sa lahat ng sakit ng ulong ibingay ko, sa lahat ng sama ng loob at sakit na ibinigay ko sayo. Mama, maraming maraming salamat sa pagmamahal, pagaaruga, pagpapatawad, sa bawat yakap at tapik sa balikat, sa bawat paghele at paghalik mo. sa walang sawang pagaalala at pagpapaalala, sa mga kuwento at mga payo, sa bawat kuskos na ginagawa mo sa damit ko, sa bawat pagkaing inihahanda mo, sa bawat gabing hindi ka makatulog, sa bawat sandaling hindi ka mapakali, sa bawat gabay mo sa buhay ko, sa bawat araw na patuloy nating inaabangan para sa katuparan ng ating pangarap, sa bawat butil ng pawis mo para mabigyan ako ng magandang bukas, sa lahat lahat ng ginawa at patuloy mong ginagawa para sa akin - MARAMING MARAMING SALAMAT.
Mama, Mahal na mahal kita. Ikaw ang nagturo sa akin kung paano magmahal ng walang kapantay - ikaw ang nagturo ng tunay na pagmamahal - ang pagmamahal na hindi nagaantay ng kapalit. Ang pagmamahal na marunong magpatawad at magparaya. Ang pagmamahal na handang magpakasakit. Mahal na mahal kita. Mama, sana balang araw maging katulad kita - isang butihing ina.



0 comments:
Post a Comment