Sa PNHS CAT Officers alumni,
Hindi na po matutuloy ang alumni reunion ngayong Mayo. Isa po itong katotohanan na masakit para sa akin na ibalita. Gustuhin ko man po kasi, hindi po ako kasama doon sa 3 na naghati-hati sa 375 Million noong huling 6/49 na lotto draw. Wala ako'ng pera at lakas na kayanin mag-isa ang ganoon kalaking okasyon. Isa pa, hindi rin po magiging espesyal iyon kung ako lang rin ang maghahanda. Kaya nga po "alumni" kasi dapat collective effort. Hindi lang ako.
Sana po mapatawad ako ng mga naniwala na matutuloy. Sinubukan ko naman. Kaya lang, noong pangatlong patawag ko na po ng meeting at isa lang ang nagkusang sumipot, pinaghinaan na rin po ako ng loob.
Siguro nga kasalanan ko. Nasobrahan ako sa katatrabaho. Kinulang ako sa vitamins kaya kulang din sa effort yung pagiging organizer ko - ang organizer na hindi organized. Taliwas po kasi sa inaakala siguro ng iba na ang mag-blog at mag-internet lang ang aking ginagawa, marami din po akong excuses tulad ng marami sa atin. May pamilya din po ako'ng sinusuportahan. May trabaho din akong istorbo. Wala na rin halos akong panahon kung tutuusin na mag-ambisyon pang makabuo ng mga engrandeng pagtitipon dahil sa araw-araw na nga lang na ginawa ni Lord, halos ngumanga na ako sa pagod at antok papuntang Diliman at pauwi ng Paranaque. Sa biyahe pa lang, apat na oras na ang nababawas sa dapat sana ay panahon ko para sa sarili. Marami din akong kaartehan na dinaramdam at paminsan-minsan, talagang dinidibdib.
Matigas lang rin kasi talaga ang ulo ko. Di ako makuntento na ganoon lang magiging ka-ordinaryo ang buhay ko - routinary, predictable, boring. At bonggang-bongga talaga ang ilusyon ko na kahit papaano ay may magagawa ako para sa ibang tao, lalo na kung may mga makakatulong ako tulad ng mga astig na CAT officers alumni.
Masyado nga siguro akong naging ambisyoso. Patawad po.
Mahirap tanggapin ang ganitong pagkatalo kahit pa ba panandalian lang. Tama. Panandalian. Kasi nga matigas ang ulo ko eh. Hindi ako basta-basta sumusuko. Nanghihina lang. Sa ngayon, kulang ako sa vitamins. Kulang lang ako sa suporta. Pero naniniwala ako na darating din yun. Madami ring maniniwala tulad ko. Marami ring manghihinayang at magsasabi na, "Oo nga! Kaya naman natin yun! Gawin natin!"
Matutuloy rin ang reunion. Hindi nga lang ngayong Mayo. Kung kelan, kayo po ang magsasabi sa akin. At mangyayari yon dahil gusto natin. Dahil may magagawa tayo. Dahil naniniwala tayo. Dahil hindi tayo titigil hanggang hindi natin nagagawa.
We are all leaders. We make things happen. Let's.
Ang nag-eemote sa ngayon,
badet (batch 99, KALASAG)
ps. bukas, yung masaya naman. pramis!!!!
Thursday, March 12, 2009
An open letter to the alumni
ikinuwento ni bdsueno at Thursday, March 12, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Click to join pnhs_catalumni



0 comments:
Post a Comment